(from my Journal Files, originally written last April 15, 2004 at 12:37PM-1:10PM)
Minsan nakakalimutan ko na hindi ka pala talaga sa akin at hindi talaga kita pag-aari. Minsan nakakalimutan ko na nanghihiram lamang ako, na para bang namamalimos ako kahit sandali para makasama ka, makausap ka. At sa aking bawat panghihiram dapat kong tanggapin na minsan ay hindi ako mapagbibigyan. At kung ako man ay mapagbigyan, hindi ko dapat kalimutan na walang katiyakan kung kailan muli ito mauulit. Kaya nga sinasamantala ko ang bawat araw at oras na nakakasama kita at iniisip ko lamang na baka ito na ang huling araw na makakapiling kita.
Minsan nakakalimutan ko na sa bawat katok at pagbukas ng aming pintuan ay ikaw ang papasok, na sa bawat pag-anyaya ko ay iyong pauunlakan, na sa iyong pagpapaunlak ay hindi ko batid kung ikaw ay saglit lang o magtatagal.
Minsan nakakalimutan ko o pilit kong kinakalimutan na lang ang hirap at lungkot na mararanasan ko sa hinharap basta ang mahalaga ay masaya ang nararamdaman ko sa kasalukyan kahit ito ay pansamantala lamang. Minsan nakakalimutan ko na sa aking bawat kabiguan ay walang kasiguraduhang kadamay kita kahit na natitiyak ko na lagi kang bahagi sa lahat ng aking tagumpay.
Minsan nakakalimutan ko nang may iba pa palang taong mahalaga sa buhay ko maliban sa iyo, ikaw na walang tiyak na sagot sa tanong ko na kung mahal mo ba ako.
Minsan nakakalimutan ko na ang sarili ko dahil sa iyo.
No comments:
Post a Comment